POESIA QUATRO:
Patak ng tinta sa Kwadradong Papel
By: Patricia Aina Milay
Pitong taon
Muli’y naitapak ko ang aking mga paa,
Sa lupaing puno ng alispusta.
Huli na ba ang aking pagbabalik?
Upang kalayaa’y muling makamit?
​
Ang inaasahan ko’y sariwang hangin,
Ang hahagpos at lalambing sa akin
Ngunit ako’y sinampal ng katotohanan,
Sa sigaw ng nagdaralitang sambayanan.
​
Muli kong nilinga ang paligid.
Guni-guni ba ang aking narinig?
Wari ko’y parang pinitpit na luya,
Boses nila’y saan na napunta?
​
Ano itong aking nauulinagan,
Na tayo’s sakmal ng pang-aapi at kahirapan?
Kalayaang animo’y bungang-tulog.
Sa bingit ng kamatayan, tayo’y inihulog.
​
Iginiya ko ang aking mga paa,
Sa sagot sa aking mga tanong, doon ako’y pupunta
Aking amang kaawa-awa
Sa iyong paglisan nawa’y ako ay inalala.
​
Sa marangyang salu-salo, doon kami’y nagkamayan
Balik-harap na ilang mamamayan
Ito ba’ng epekto ng karangyaan,
Mga mapang-matang tuso ang kapangyarihan?
​
Saglit pa’y dumating ang hapunan,
Sa kabisera ako’y tumahan
Tinolang manok, O ka’y sarap pagmasdan
Mga masasarap na parte ay nasa aking unahan.
​
Sa ilang taon kong paglisan,
Wala paring pagbabago sa aking bayan
Animo’y pag-ibig ko kay Maria Clara
Sinisintang kailanma’y aking maaalala.
​
Nananabik akong muling siya’y makausap
Mga ala-alang naturan at nilipad sa alapaap
Nawa’y pagkalimot ay hindi n’ya batid
Ng maipagpatuloy wagas naming pag-ibig.
​
Karanasan ma’y minsang hindi maganda
Puno ng hirap kakabit ay saya
Kaysarap pa ring basahin sa ilalim ng puno ng kahel
Mga patak ng tinta sa kwadradong papel.z