"Mantsa sa mga Pahina"
By: Jade Andrea Sevilla
Sa bawat paglapat ng panulat
Iba't-ibang mata ang namulat
Sa kalupitang hinaharap
At kalayaang di mahanap
A, ba, ka , da
Ilan lamang sa mga letra
Na tinipa ng mahiwagang pluma
At pumuno sa mga blangkong pahina
Ngunit ano nga ba'ng saysay ng mga ito?
Kung hindi napanindigan ng todo
Ng makatang akala'y sasaklolo
Sa kasakima't kalupitan ng mga dayo
Hanggang ngayo'y hindi magawang timbangin
Ang mga pangyayaring nakahain
Dahil hindi madaling sambitin
Na taksil ang bayani natin
Paano ba'ng dapat na sukatin
Ang kataksilan ng bayaning butihin
Alam naman nating sya'y tao lang din
Natutukso, naaakit
Hindi ba sapat na s'ya ang nagmulat?
Gamit ang mga katagang kanyang isinulat
Na ang hangarin ay mai-ulat
Na sa kalayaan noo'y salat
Gayunpama'y hindi din maiwasang mawaglit
Na ang kapirasong papel ay kayang burahi't baliktadin
Ang mga gawa mo'ng noo'y pag-asang nagsilbi
Sa mga inaliping ginoo at binibini
Nakalulungkot lang din isipin,
Nakalulungkot na ang mga iniukit na letra
Gamit ang makapangyarihang pluma
Ay s'ya ring mismong tintang magbibigay mantsa
Sa mga nilikom mo'ng pahina
Comments