POESIA ONSE:
TINOLANG TULA
By: Hans Andersen Hernandez
Marahil ay isa ka sa mga naguguluhan
Umiikot ang isipan sa daluyong ng hangin
Ang mga mata’y nakapako sa isang silid
Hindi mawari ang katagang bibigkasin
Marahil ay isa ka sa mga umibig nang lubos
Mga salita mong sa puso ay tagos
Pangakong babalik sa pag-idlip ng panahon
Habang tangan ang pag-asa ng masalimuot na kahapon
Marahil ay isa ka sa mga inabuso ng kapangyarihan
Hindi makalaban sa mapang-aping kawal ng dayuhan
Niyurakan ang dangal at ang kasarinlan
Walang nagawa kung hindi ang tumahan
Marahil ay isa ka sa mga nasiraan ng bait
Nabaliw sa kanlungan ng dapit-hapon
Nawala sa sariling katinuan
Nawalan ng laban sa hamon ng lipunan
Marahil ay isa ka sa mga napagbintangan
Sinaksak ng kasalanan na hindi mo ginawa
Nasadlak sa piitan sa kamay ng iilan
Pinilit tumakas nungit hindi napagbigyan
Marahil ay isa ka sa mga balak maghiganti
Nanatiling gising sa kalaliman ng gabi
Ngunit napagtanto ang mas makakabuti
Hinipan ang lamparang noo’y nakasindi
Marahil ay isa ka sa mga tinolang manok
Nakahain sa mesa, walang galaw at kibo
Mainam ang luto ngunit nakakapaso
Naghihintay na lamang sa iyong paglaho
Marahil ay isa ka sa mga larawan ng kataga
Kabilang sa mga taong naipit ng tadhana
Sa buhay mong tinali at laban mong tinalo
Halika kaibigan, humigop ng sabaw ng tinola