POESIA DOSE:
Ang Titik ni Juan
By: Patricia Aina Milay
Aking nakitang nakatingala si Juan
Malalim ang iniisip, sa dilim ay nakikipaglaban
Mga salitang nakakaalam lamang ay buwan
Titingala’t yuyuko, siya’y muli na namang
lilisan.
Ako’y kanyang lubos na taga-hanga
Sa kanyang pluma at papel ako’y namangha
Mga aral na nakakubli sa kanyang likha
Namutmot ng runong tunay na dakila.
Kung ang iba’y talim at itak ang bitbit,
Kaniya nama’y sulating nagngingitngit.
Puyos ng mga salitang iniukit,
Tatak sa utak, tagos sa dibdib.
Ipinikit ni Juan ang kanyang mata
Yumuko, mga butil ng luha’y dumampi sa lupa
Hirap at sakit ay kita sa kanyang itsura,
Ngunit lamang ang tatag pati na ang pag-asa.
Si Juan na minsang ginamit ang titik bilang
sandata
Tila ngayo’y nawalan na ng gana
Mga sulating dating alas
Unti-unti ng ng naglalaho, nawalan ng lakas.
Ako’y napaiwas ng tingin
Mga mata ko’y sa buwan napabaling
Ako’y bumulong ng palihim
Paghihirap ni Juan, sana’y huwag balewalain
Muli kong ibinalik ang tingin sa kanya
Tinimbang at inusig pahiwatig ng mga mata
Tila ba ako’y biglang natulala
Muling napaisip sa mga kamaliang nagawa.
Lumisan na’ng tuluyan si Juan
Mga pangaral at payo na kanyang inwan
Nawa’y laging nariyan.
Saan mang dako ng mundo, sana’y nanahan.