top of page
Search

Sa Likod Ng Mga Larawan

  • rizalsobresaliente
  • Jul 26, 2020
  • 2 min read

Updated: Jul 29, 2020


ni John Andrew Gonzales

 

Mahigit isang daang masagana at masalimuot na taon na ang nagdaan nang makamit ng Inang Bayan ang kalayaan at kasaganaan mula sa mga mapang-api at mapang-alipustang mga dayuhan. Ilang libong Pilipino ang nag alay ng kanilang mga buhay upang matikman at matamasa ang minimithing Kalayaan. Hindi mabilang bilang ang mga nakisangkot sa mga pag-aaklas na naganap sa iba’t-ibang panig ng bansa upang tuligsain at puksain ang rehimeng nagpapahirap sa bawat mamamayan. Isa sa mga pag-aaklas na ito ay ang pag-usbong ng Kataas-taasang Kagalang galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan na mas kilala sa tawag na Katipunan.


Kalayaan. Ito ang naging apoy sa puso ng bawat kasapi ng Katipunan. Ang pagkauhaw sa kalayaan sa loob ng mahigit tatlong daang taon ang nagpasiklab at bumasag sa damdaming nais nang kumawala sa puso ng bawat isang Pilipinong Makabayan. Marahil, ang iwiwika ng ilan, si Andres Bonifacio ang nagpasimula ng Katipunan kaya siya ang tinagurian at hinirang na Ama ng Katipunan. Ito ay pawang may katotohanan at mababakas sa mga larawan. Ngunit, ang mahalagang dapat natin pakakatandaan ay ang SIMULA. Paano nagsimula? Bakit nagsimula? Ano ang nagpasimula? Walang gawain ang maaaring magwakas kung hindi ito nagdaan sa simula. Halina, bakasin at sariwain natin ang naging simula ng pangkat na gumising sa diwa ng ating mga kababayan.

Hindi man natin mabakas sa mga larawan, walang sinuman ang makakapagtanggi sa napakalaking papel na ginampanan ng ating Pambansang Bayani na si Gat Jose Rizal sa pagkakatatag at pagsisimula ng Katipunan. Sa kanyang pagtigil at paninirahan sa Espanya kasama ang iba pang mga ilustradong Pilipino at pagtatatag ng Propaganda, hanggang sa kanyang pagbabalik sa Bayang Sinilangan at pagbuo ng samahang pinangalanang La Liga Filipina, hindi nahihinto si Pepe sa pagsasagawa ng mga hakbang sa unti-unting pagpapaalis at pagpuksa sa mga mananakop na mga Espanyol.


Ngunit, ano ang naging papel ni Pepe sa Katipunan? Si Pepe lang naman ang isa sa mga pangunahing inspirasyon upang maitatag ang samahan. Ang kanyang pagkakadakip at pagkakabuwag ng La Liga Filipina ang naging hudyat upang mabuo ang Katipunan na ang pangunahing pamamaraan ay pagrerebolusyon at karahasan. Kawangis ng aking winika sa mga pangunahing talata ng sulating ito, ang pinakamahalagang papakatandaan ng sinoman ay kung paano ang simula. Hindi lamang ang pagsisimula ang naging katungkulan ni Pepe sa Katipunan. Siya rin ay nagsilbing pangunahing tagapayo ng Supremo hinggil sa mga hakbang na gagawin ng samahan laban sa mga dayuhan. Ang pagiging intelektwal na tao ng ating pambansang bayani ang siya sanang magsasalba sa samahan mula sa pagkakabuwag kung sinang-ayunan lamang ng Supremo ang payo na kanyang inilahad. Ang teknikal at malawak na pag-iisip ni Rizal sa maaaring kahinatnan ng planong rebolusyon ni Bonifacio ang maaaring makapigil sa pagdanak ng ilog ng dugo sa iba’t-ibang pinangyarihan ng digmaan.


Inspirasyon, hudyat, at tagapayo. Kung babasahin at pakikinggan ay maliit na tungkulin lamang ngunit kung susuriin nang malawakan at malaliman, makikita ang tunay na kahalagahan. Hindi man naging kabahagi si Rizal sa malawakang digmaan, naging bahagi naman siya sa puso at isipan ng bawat isang Pilipinong lumalaban para sa bayan.

 
 
 

Comments


Proyekto para sa asignaturang "Life & Works of Rizal"

Hulyo - Agosto 2020

bottom of page