-Kristine Angel C. Ginete
"Mas gugustuhin kong mamatay, kaysa mabuhay sa pagdurusa."- ("I would rather die than live in suffering.") -J.P.R.M.A.R
Ako si Kristine Angel C. Ginete, isang kolehiyala na kumukuha ng kursong inhinyero sa Batangas State University. Sa pagsusulat ko ng sanaysay na ito, hayaan ninyong ilahad ko ang dahilan ng aking pagsulat. Unang una, sumusulat ako bilang isang kabataan, kabataang mura ang isipan, at tila hinaing ng puso ko'y nais kong ipabatid sa aking pagsulat. Kabataan, na ang kabataan ang pag-asa nitong bayan, mga katagang nagmula sa matatalinhagang bukambibig ng ating pambansang bayani. Nais kong ilahad ng matiwasay ang aking mga saloobin ukol sa sinasabing retraksyon ng ating bayani sa kanyang mga prinsipyo sa mga huling sandali ng kanyang buhay. Ngunit, totoo nga ba ang nangyaring retraksyon o hindi? Pawang ang pangyayaring ito ay pinagdebatehan ng mga kapwa nating Pilipino. Ngunit bago ang lahat, ano nga ba ang tinatawag na retraksyon? Ang retraksyon ay ang pagbawi o pagtanggi sa naunang sinabi o sa kahit anong aksyon na nagpapahayag ng pagbabago ng saloobin ng taong nagbitiw o gumawa nito.
Sinasabing sa mga huling sandali ni Rizal, binawi niya ng buong puso ang kanyang mga prinsipyo sa kanyang pagtuligsa sa mga Espanyol gamit ang kanyang mga likha na tumutukoy sa relihiyon, at siya'y tuluyan ng tumatalikod sa nasasabing rebolusyon at maging tunay na kaisa ng mga manlulupig. Base rin sa aking mga nabasa, sa kanyang mga huling sandali, upang siya ay maikasal sa kanyang binibini na si Josephine Bracken, tuluyan niyang babawiin ang kanyang mga pagtuligsa laban sa mga pari. Ngunit, sa kabila ng lahat ng ito, may mga nagsasabing hindi raw makatotohanan ang nasasabing retraksyon sapagkat pawang ginaya lamang daw ang pirma ng ating pambansang bayani. Ano nga kaya ang posibleng nangyari sa Pilipinas kung natuloy ang sinabing retraksyon? Sa aking sariling pananaw, bilang isang kabataan ng bansa, totoo man o hindi ang naging pagbawi ni Pepe sa kanyang mga prinsipyo, ang lahat ng ito'y hindi magiging kabawasan sa kanyang pagkabayani. Simula pa lamang sa kanyang pagkabata, sa kanyang mura at inosenteng isipan, namulat na si Pepe sa mga pangaabuso ng mga guardia sibil sa kanyang mga kapwa inosenteng mamamayan. Dito ay mas nagkaroon siya ng mithiin na ialay ang kanyang sarili para sa bansa. Nagpakadalubhasa siya na maging eksperto sa iba't ibang larangan upang ang kanyang mga gawang obra maestra ay kanyang magiging sandata sa matagal na minimithing kalayaan ng Pilipinas. Nag organisa siya ng tinatawag na La Liga Filipina upang protektahan ang kanyang mga Pilipino at dahil rito'y mas minumulat niya ang mga puso at isipan ng bawat isa laban sa mga katiwalian. Kung kaya naman, dahil lang ba sa isang retraksyon kaya siya'y hindi na maitituring na isang bayani? Hindi man naging totoo ang retraskyon, mayroon nga bang pagkakaiba na mangyayari sa kasaysayan? Subalit, kung totoo man ito, maaaring ginawa lamang ito ni Pepe upang maikasal sa kanyang minamahal sa mga huling sandali ng kanyang buhay, at bilang isang normal na mamamayan, nais lamang niyang mamatay ng matiwasay. Tunay nga siguro ang kanyang nasabing "preserve my tranquility before death." Na bilang isang normal na mamamayan, para sa akin ay wala naman sigurong maling piliin ang iyong sarili kahit sa huling pagkakataon na sa mga puntong ito, sarili nya naman ang kanyang pinipili matapos ipaglaban ang buong bansa na walang anumang ginagamit na armas.
Tunay ngang isang mabuting huwaran at kahanga-hanga si Rizal sa mga kabataan at kapwa mamamayan. Sa mata ng isang inosente, wala siyang ibang ninais kundi ang ipaglaban at mahalin ang kanyang bansang sinilangan laban sa mga manlulupig. Tinuruan nya ang bawat isa na maintindihan ang kahulugan ng nationalismo. Pinatuyan niyang hindi niya kailangan gumamit ng karahasan, na ang tinta at pluma'y siya lamang dapat maging sandata. Sa dami ng nagawa niya para sa Pilipinas, nararapat lamang siyang ituring bilang ating pambansang bayani. May retraksyon man o wala, hindi nito mababayaran ang pag-aalay niya ng kanyang buong buhay alang-alang sa kasarinlan ng bawat Pilipino. Kaya ako, ikaw na nagbabasa nito, mahalin mo ang Pilipinas. Dahil ikaw, ikaw ang pag-asa ng bayan.
Comments